
Story by Sharmaine Paden
Photos by Mark Kevin Reginio
“Binalya nila ako, sinira at kinumpiska ang stall at paninda ko,” kwento ni Aling Linda Ramos, 68 taong gulang.
​
Mahigit-kumulang 42 taon nang nagtitinda si Ramos sa sidewalk ng Mercury Drug-Philcoa sa lungsod ng Quezon (QC). Bakas sa kanyang mukha at sa tono ng pagsasalita ang poot habang sinasalaysay niya kung paano sila sapilitang pinaalis sa kanilang puwesto, kung saan sila ay kumukuha ng pamumuhay mula taong 1974. Ito ang lugar na naging parte na ng araw-araw nilang sistema, ang pinagmumulan ng kanilang hanapbuhay, ang lugar kung saan sila bumuo ng maraming alaala.
​
Makulay pa ring ang mga kwento ni Ramos ukol sa mga alaala rito--alaalang nadaragdagan sa paglipas ng panahon. Kasabay ng pagdaan ng mga taon ay ang mga pagbabago na nangyayari sa paligid na tila parte ng isang malaking bangungot.

Dalawang buwan na ang lumipas mula nang isagawa ang clearing operations sa Mercury Drug-Philcoa sidewalk ngunit sariwa parin sa isip ng mga manininda ang nangyari. Sapilitang pinapirma sa isang papel ang mga manininda noong Set. 6 na ayon sa kanila ay isa daw memo para sa gaganaping dayalogo sa pagitan ng nila at mga opisyal ng QC.

Ngunit napasakamay ng higit sa 22 manininda sa Philcoa sidewalk ang isang notice of violation (NOV) kung saan nakasulat na kailangan ng bakantehin ang kanilang mga pwesto sa loob ng 24 oras dahil nakakasagabal sila sa daanan ng mga tao at sa daloy ng trapiko. Sa ilalim ng MMDA Resolution No. 02-28 Series of 2002, naging legal ang pagpapaalis sa mga manininda.

Bakas ng pananalakay
Ngunit katakataka naman na bagaman Set. 8 nila natanggap ang NOV, Set. 6 ang nakalagay na petsa rito.
​
Nang sumunod na tatlong araw ang kanilang mga kubol na ilang dekada na nilang ipinanghahanapbuhay ay kinumpiska at sinira. Humingi ng palugit ang mga manininda ng tatlo o apat na araw para makipag-usap kay Mayor Herbert Bautista, alkalde ng lungsod, at ng magkaroon pa sila ng dagdag panahon na makapag hanap ng malilipatan para maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay subalit di pinagbigyan ang kanilang hiling.
​
Iginigiit ng grupong SAMANA, isang asosasyon ng mga manininda, na walang dayalogo na naganap sa pagitan ng dalawang kampo.
​
Ayon sa tanggapan ni Kon. Ranilo Ludovica, Dist. 2, Chair Committee on Public Order and Safety ng QC, umayon lamang sila sa Local Government Code of 1991 kung saan nakapaloob na bawal okupahin ng mga manininda ang lansangan at daan dahil mayroong nakalaan na lugar na sa mga pampublikong pamilihan kung saan sila pwede maghanapbuhay. Mariin niyang dinagdag na mayroong nakalaan para sa mga manininda na lugar, isa na rito ang mga palengke sa QC, para maipagpatuloy ang kanilang paghahanapbuhay.
​
Iginiit naman ng grupong Metro Manila Vendors Alliance (MMVA) na nakasaad sa market code na mayroong karapatan ang mga manininda na magtayo ng pansamantalang kubol para makapag-hanapbuhay. Idinagdag ng samahan na sila ay nagbabayad ng buwanang renta at ang kanilang permit ay mula 2012 hanggang katapusan ng taong 2016.
​
Bayad na binalewala
​
Taon-taon nagbabayad ang mga manininda ng hawkers permit sa Market Development and Administration Department (MDAD) bilang patunay na legal ang kanilang pamamalagi at pagtitinda sa lugar.
Nakapaloob sa resibo na nagbabayad sila ng taunang permit, buwis, vending fee, sanitation fee at garbage fee. Sa kabila nito ay idineklara pa ring labag sa batas ang pagtitinda nina Ramos.
​
Tinuturing man silang mga ilegal na maninda na maihahalintulad sa mga informal settlers sana ay bigyan din sila ng mga karapatan na
kagaya sa nakasaad sa RA 7279 o ang
​
Urban Development and Housing Act of 1992 na naglalayon na bigyan ng maayos na relokasyon, rehabilitasyon at pagkakakitaan ang mga nasasakupan bago sila paalisin sa kanilang mga lugar, ayon kay Ramos.
​
Mula sa 22 na kubol ng manininda ay apat na lamang silang natitira, kasama ang kay Ramos. Ang mga banig o plastik na sapin ang nagsisilbing tindahan para maitawid ang kanilang pang araw-araw na pangangailangan. Kalakip ng kanilang pagpupursiging makabenta ay ang pagnanais na ipaglaban ang kanilang karapatang mabuhay at makapag-hanapbuhay na huwag naman sanang ipagkait sa kanila.
​

Ang pagbalik nila sa lugar at pagbabanig ng kanilang paninda ay may kalakip na pagpusta ng kanilang buhay at ikinabubuhay. Kailangan nilang maging mapagmatyag at maliksi. Anumang oras ay mag-uumpisa na ang habulan sa pagitan nilang mga manininda at ng clearing group na sila namang taya na kung makahuli ay tiyak na may malaking pabuyang nakaabang.
​
Sa kasalukuyan, nagsisilbing paradahan lamang ng mga bisikleta’t motorsiklo ang dating kinatatayuan ng kanilang mga tindahan, lugar kung saan sila nakabuo ng maraming alaala, lugar kung saan nila tinayo ang kanilang kabuhayan. Tila pagpapaalala ito sa mga manininda ng Philcoa ng kanilang nakaparadang mithiin na bigyan sila ng maayos na relokasyon para makapagsimula muli.
