top of page

Kumikitil na ang amihan

Story by Jobelle Adan

Photos by Mark Kevin Reginio

Hindi maitago ng madilim at pasikot-sikot na eskinita ng Happyland ang mala-bituing ngiti ng mga batang maya’t mayang naghahagikgikan at naghahabulan.

“Ate! Ate! Papicture!”

 

Ngunit hindi kayang maitago ng malakas na tawanan ang bigat sa puso ng mga residenteng takot na anumang oras mula ngayon, isa-isang kukupas ang mga bituin.

 

Tangay-tangay ng hanging natutunan na silang lasunin.

 

Sila’y naniningil

Taong 2012 nang nagsimula mag-imbak ng coal sa Happyland, Tondo ang Rock Energy International Corp. Sa simula, ang nagbago lamang ay ang pagkakakilala ng mga residente sa lugar; ang dating gulayan at taniman na kanilang natatanaw ay napalitan ng burol na itim.

 

Di kalauna’y unti-unti nang naningil sa kanilang kalusugan, kabuhayan at kalikasan ang coal stockpile.

Ayon sa GreenPeace Philippines, isang international organization na naglalayong agapan ang lumalalalang climate change, may kaakibat na epekto sa kalusugan at kalikasan ang bawat proseso ng paggamit sa coal, mula sa mining hanggang sa transportation at combustion. Ang simpleng paglanghap sa alikabok nito’y dala na ang iba’t ibang uri ng sakit sa baga at puso.

 

Bunga ng mga kapansin-pansing epekto sa kanilang mga buhay, bumuo ng ilang koalisyon ang mga residente. Sa loob ng dalawang taon, tuloy-tuloy nilang inihain sa 

pamahalaan ng Maynila ang kanilang mga hinaing.

Noong Enero, naglabas ang pamahalaan ng Maynila ng utos na tuluyang ipasara ang coal facility. Maliit na pag-abante, ani ng mga residente. Ngunit agad din itong binawi ng Kagawaran ng Kapaligiran at Likas na Yaman (DENR) dahil idadaan pa umano sa toxicity testing ang lugar.

“Ano bang mas mahalaga, negosyo o tao?” tanong ng isang lola. Ilan sa mga nakatira doon, dekada na ang inabot sa lugar. Pagmamalaki pa ng mga residente, sila na ang nagpalago sa lugar na iyon. Ngayong nakikitang tsansang mas pagkakitaan ang lugar, sila ang nakitang perwisyo.

Habang patuloy ang girian at wala pang karampatang aksyon sa gobyerno ang tunay na nagpapatahimik sa isyu, patuloy ring umeepekto sa kalusugan ng mga residente ang pasilidad.

“Magsimula nang namatay anak ko, parang naninikip dibdib ko. Parang may kumukurot sa puso. Ngayon nalaman ko na mayroon na palang parang enlargement,” sabi ni Jocelyn Villaver, 37, na hindi pa rin nakakabangon mula sa P140,000 na inabot ng pagpapaospital ng kanyang yumaong anak.

Hindi na bago sa 28,000 residente ng Happyland ang urong-sulong na proseso. Sa katunayan pa nga, ang ilan sa kanila’y nawalan na ng pag-asa sa pamahalaan.

Ang kakaramput na pag-asang natira, inubos pa ng isang inalok na solusyon: ang pagpapaalis sa mga residente.

Buhay ang inutang

Ilang buwan pa lamang ang nakararaan nang magising si Villaver sa katotohanang tuluyan nang inangkin ng nakasusulasok na hangin ang kanyang anak.

 

“Grade 2 na sana siya ngayon,” ani niya, inaalala ang anak na yumao dahil sa carbon poisoning na nagpahina sa baga at resistensya nito.

 

“Sabi ng doktor, hindi naman sana malalason nang matindi kung hindi nakalanghap ng kemikal,” dagdag niya.

 

Ang tinutukoy ni Villaver na salarin, ang apat na taon nang namamalaging imbakan ng coal sa kanilang komunidad.

 

Sa komunidad na umaasa sa pangingisda at paghahakot ng basura, napakalaking dagok ang dinala ng stockpile.

“Patay lahat ng baboy ko,” reklamo ni Leliosa

Macabet, 50, may-ari ng maliit na kubol sa tabi ng stockpile.

 

Ang ilang residenteng nagbebenta ng gulaman, giniit na malaki ang binaba ng kita. Una dahil sa pangamba ng mga mamimiling kilala ang coal stockpile; pangalawa dahil sa kapansin-pansing itim na butil sa kanilang mga kasangkapan.

Hindi mo na ibebenta, sabi ni Gemma Tolero, 40. Itatapon mo na lang.

 

Higit pa diyan, sabi ni Tolero, ang mabigat na hanging nagpahirap sa kanilang paghinga. Madalas mamula ang mata, laging uhaw, at hindi nawawalan ng itim na alikabok ang balat ng mga residente noong 2014, kasagsagan ng lantarang pag-iimbak.

 

Ngayon, may gahiganteng bakal na bakuran na pumapalibot sa imbakan ngunit ramdam pa rin umano ng mga residente ang tuloy-tuloy na pag-iimbak ng hindi na lamang nag-iisang korporasyon.

Habang patuloy ang kanilang paglaban, patuloy rin ang pilit na paghahanap ng panangga sa hanging di na nila kilala.

Pag-amin ni Tolero, kung anu-anong antibiotic na lang ang ginagamit nila upang maibsan ang sakit sa baga, paminsan ay puso o katawan.

 

Sandaliang pakikisama lang ang kailangan upang madiskubre na halos lahat ng residente’y regular nang nagpapatingin ng puso’t baga kahit higit ang gastos nito kaysa sa kanilang kita.

 

Sandaliang pananatili lang rin ang kailangan upang marinig ang hagikgikan ng mga bata ng Happyland. Hagikgikang hindi nalalayong mapalitan ng malawakang pag-ubo; hagikgikang hindi nalalayong maging alaala na lamang.

The Insight is an official class newsroom under CNN editor and instructor Theresa Reyes. The Insight brings the UP community closer to the information they deserve.

  • Grey Facebook Icon
  • Grey Twitter Icon
  • Grey Instagram Icon
bottom of page