


EDITORIAL:
Magkano ba mangarap?
Walang hindi kayang abutin kapag ika’y nagsusumikap, sabi nila sa aming noo’y mga musmos. At kapag nga naman musmos, ang sinasabi nila ang siyang laging tama.
Mali. Dahil ang turo sa amin ngayon ay ito:
Walang hindi kayang abutin kapag ika’y may kakayanang makapagbayad. Dagdag pa diyan ang kasulasulasok na tanong kung nagagamit nga ba sa tama ang bayaring mga ito.
Tinanong na rin iyan ng The Insight. Kabubuo lamang ng adhikain ng The Insight na maipaabot ang dekalidad na balita sa mga komunidad na pinagkaitan ng umiiral na mainstream media. Sabi namin, sa wakas ay maisasakatuparan namin ang turo ng kolehiyo na mapagpalayang pamamahayag.
Turo nila iyan. Ngunit muli, iba ang tinuturo sa ipinapatupad.
Kagyat na ng pagkakaroon ng J 121 Newsroom class ang paghahanap at pagkuha ng solicitation at advertisement upang makapaglabas ng dyaryo. Kung tutuusin ay naging kahiyahiyang tradisyon na ito; kahiyahiya dahil sa bawat semestreng kinakailangan makipagnegosasyon ng mga estudyante, muling pinapatunayan ng departamento, ng unibersidad, na hindi nito kayang suportahan ang mga mag-aaral.
Ngunit sa ilalim ng bagong polisiya ng departamento, ipinagbabawal na ang solicitation at advertisement. Agad naming naisip ang laboratory fee na idinagdag sa aming bayarin. Tama namang gamitin ang laboratory fee para sa isang laboratory paper na siyang pangunahing requirement sa klase, hindi ba?
Hindi. Dahil ayon sa kanila, malaking porsyento nito ang napupunta sa pagpapaayos ng aming silid-aralan, ng mga computer sa silid.
Matinding pagpapakatwa lalo na’t madalang lamang nagagamit ang mga computer, kung pupuwede mang magamit. Sira ang ilan sa mga ito at nagbabadyang sumabog anumang oras, dala ng kalumaan.
Isa pa, mayroong maintenance and other operating expenses (MOOE) o bayaring nararapat gamitin sa pagpapaayos at pagpapaganda ng mga kagamitan at istruktura sa unibersidad. Ngunit kung susundan ang kaalamang hindi sa laboratory paper gagamitin ang laboratory fee, malamang hindi rin sa maintenance gagamitin ang MOOE. Hindi ba, marami na kaming natutunan sa kanila.
Patong-patong na bayarin, pilit kinikitil ang aming adhikain.
May porsyento man na handang ibigay sa amin, buwan naman ang lilipasin upang makuha ito. Sistema na ng gobyernong dapat naglilingkod sa masa na idaan ang paglilingkod na ito sa napakahabang proseso. Samantala, ang sambayanang dapat pinaglilingkuran nito ay mapipilitang kumupit sa bulsang halos hangin na lang ang natira.
At dahil parte ang Unibersidad ng Pilipinas ng gobyernong ito, ang mga estudyante nito’y walang takas.
Lumang leksyon
Ilang kuwento ng katatakutan na rin ang naipahayag ng mga kapwa estudyante. Sa ating kolehiyo lamang, regular ang pagkalap ng tig-400 mula sa mga estudyante para sa asignaturang photojournalism ngunit walang kagamitan ang makapabigay linaw kung para saan ito. Mayroong iba na pinagtiyatiyagaan ang kakaramput na materyales pang-inhinyero at mayroon ding napipilitang bumili ng mga kagamitang dapat ay nasa laborataryo na ng kani-kanilang kolehiyo.

Ilan lamang ito sa mga kalbaryong hinaharap ng mga estudyante bukod sa mahal na matrikula.
Iba-ibang karanasan ngunit iisa ang tunguhin: hanggang satsat na lamang ang Unibersidad sa pinagmamalaki nitong kalidad ng edukasyon.
Madalas pa nga kung hayaan nitong tumirik ang mata ng mga estudyante, kahahahanap ng pambayad. Madalas pa nga kung talikuran nito ang hinaing ng mga mag-aaral.
Ang mga suliraning ito, at ang kaakibat na palusot ng administrasyon, ay lumang tugtuging natutunan nang sayawin ng mga estudyanteng hindi umano’y pinag-aaral ng bayan.
Ngunit hindi maluluma kailanman ang paglaban sa sistemang ito. Ang kinalakhang tradisyon ng mga estudyante ng unibersidad ay ang tradisyon ng paglaban. Hindi ito basta-basta malilimutan.
Para sa The Insight, hindi maluluma ang adhikaing makapagsilbi sa bayan. At sa dami ng itinuro sa amin, sa maikling panahon ng aming pagkakabuo, isa lang ang aming nais ituro sa kanila:
Hindi kami natitinag sa kawalan ng pinansya. Hindi kami magpapatalo sa palalong sistema.