top of page
EDITORIAL:

“Sa panahon kung saan idinidikta ng ating kakayanang magbayad ang kalidad ng impormasyong ating natatamasa, narito ang The Insight upang maging kaagapay sa pagpapanumbalik ng impormasyong walang kinikilalang antas at walang inaasahang kapalit.”

Hindi lingid sa kaalaman ng karamihan na ang mga pahayagan at porma ng midyang nabibili sa mahal na halaga ang siyang tumutugon o kinikilalang tagapaghayag ng impormasyong kinakailangan ng sambayan, tulad ng mga broadsheet. Samantala, nagsisilbing pampalipas oras at tinitignang basura ng mga nakaaangat ang mga babasahing mabibili sa mababang presyo tulad ng mga tabloid.

 

Ito ang katotohanang aming kinalakhan, at ito ang katotohanang aming tutuligsain.

Naniniwala ang pahayagang The Insight na ang pagkamit ng kalidad na impormasyon ay walang katumbas na anumang halaga. Ang ating karapatan sa impormasyon ay mahalagang bahagi ng ating karapatang mabuhay at maging malaya; kapag ang karapatang ito’y nawala hindi magiging lubos ang ating pagganap sa ating mga tungkulin sa lipunan.

 

Bilang bahagi ng isang lipunang demokratiko, inaasahan tayong mga mamamayan na maging katuwang ng ating pamahalaan sapagpapaunlad ng bansa at maging mapagmatiyag sa mga katiwaliang lumalaganap dito, at isang paraan upang

magawa ito ay ang pagiging maalam at bukas sa mga isyung panlipunan.

Subalit sa panahon kung saan ang pangunahing batis ng impormasyon ay ang internet, higit nating kailangang magsuri at magsala ng mga impormasyong lumalabas mula rito. Kaya naman, kaagapay rin ng kalakhang masa ang The Insight sa pagkamit at pagpapanumbalik ng mga balitang kritikal sa pagpapasulong ng bayan.

 

Bilang isang pahayagang malaya at hindi komersyal, nilalayon ng The Insight na ipaabot sa laksa-laksang masa ang mga pambansang isyung nakaaapekto sa ating lahat at ilapit ang mga isyu ng minorya sa sentro ng usapan, kabilang ang mga usapin ng komunidad ng Unibersidad ng Pilipinas. Gamit ang iba’t ibang pamamaraan ng pamamahayag, naglalayon ding bakahin ng The Insight ang tradisyunal na kaisipang tanging mayaman lamang ang maalam at nakikialam.

Sa ngalan ng malayang pamamahayag

Naniniwala ang The Insight na ang masang kaniyang pinagsisilbihan ay maalam at may pakialam sa mga isyung panlipunan ngunit sila ay nahahadlangan ng mga pang-ekonomikong kaligiran sa pagkamit ng impormasyong kritikal sa kanilang buhay.

Dahil dito, magsisilbing batis na dalayuan ng impormasyon ang pahayagan -- impormasyong kanilang kinakailangan na hindi tutumbasan ng anumang halaga.

Sa pamamagitan nito, mas magagampanan ng bawat mamamayan ang kaniyang tungkuling maging katuwang ng pamahalaan sa pagpapaunlad ng bansa.

 

At ito ang dapat maging tungkulin ng bawat pahayagan sa bansa. Sa halip na maging bibig ng pamahalaang nananamantala sa kaniyang nasasakupan at sa halip na maging instrumento ng pagkita, ang mga pahayagan ang siyang dapat  sa pagpapasulong ng isang bansa. Ang mga pahayagan ang siyang dapat magbigay kasangkapan sa mga mamamayan upang sila’y maging malaya at mapagpalaya.

 

Sa kasalukuyang sistema ng ating lipunan, kinakailangang mas maging matapang ng mga pahayagan sa pagbabalita, mas maging kritikal sa paglalahad ng katotohanan, at mas maging mapagmasid sa mga kaganapan sa ating bansa. Sa panahong mamamalagi ito, minimithi ng The Insight na gampanan ang mga tungkuling ito para sa Unibersidad, para sa mamamayan at para sa bayan.

The Insight is an official class newsroom under CNN editor and instructor Theresa Reyes. The Insight brings the UP community closer to the information they deserve.

  • Grey Facebook Icon
  • Grey Twitter Icon
  • Grey Instagram Icon
bottom of page